Arestado ang isang lalaki dahil sa paulit-ulit umanong panggagahasa sa kaniyang 13-anyos na pamangkin na pinangakuan niya ng pag-aaral sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood ang pagdakip sa suspek ng mga operatiba ng Quezon City Police District Station 14.

Dumating ang 40-anyos na suspek sa Barangay Culiat Martes ng gabi, at agad siyang pinadapa at dinakip.

Unang nagsabi sa kaniyang mga kaklase ang Grade 8 student na biktima.

Ayon kay Police Captain Anthony Dacquel, Station Investigation Unit at Detective Management Unit Chief ng QCPD Station 14, nabahala ang mga kaklase ng biktima nang ikuwento nito ang araw-araw umanong panghahalay sa kaniya ng suspek kaya isinumbong na nila ito sa kanilang adviser.

Nagsumbong ang adviser sa barangay, at humingi ng tulong ang mga taga-barangay sa pulisya.

Lumabas sa imbestigasyon ng QCPD na Setyembre 10 nang dumating sa Quezon City ang biktima mula sa Iligan dahil sa pangakong pag-aaralin siya ng suspek.

Setyembre 16 nang maganap umano ang unang insidente ng panggagahasa ng suspek sa biktima.

Nagtatrabaho bilang family driver at suma-sideline bilang vlogger ang suspek.

“Nagsisisi, pamangkin ko ‘yun eh Hindi ko alam. Patawad,” sabi ng suspek, na nahaharap sa reklamong statutory rape.

Nakipag-ugnayan na ang mga pulis sa mga magulang ng biktima, habang ite-turnover ang menor de edad pansamantala sa mga social worker para sumailalim sa counseling. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News