Nasawi ang isang rider, habang sugatan ang kaniyang angkas matapos silang bumangga sa isa pang motorsiklo na hindi umano sumunod sa batas trapiko sa Malate, Maynila.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, kinilala ang nasawing rider na si Orly Magtibay. Sugatan naman ang kaniyang angkas na pamangkin na si Aldrin Magtibay.
Tumilapon ang dalawa mula sa kanilang motorsiklo matapos silang bumangga sa isa ring motorsiklo sa panulukan ng Quirino Avenue at Mabini St. kaninang dakong 1:00 am.
Kaagad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente si Orly, habang ligtas naman ang rider ng nakabanggaan nilang motorsiklo na isang babae.
Ayon sa awtoridad, may suot na helmet ang biktima na maaaring natanggal umano nang tumilapon dahil hindi naka-lock.
Kuwento ni Aldrin, binabagtas nila ang Quirino Ave. nang biglang sumulpot ang nakabanggaan nilang motorsiklo na pakaliwa sa Mabini St.
Giit ni Aldrin, may kabilisan ang takbo nila dahil naka-green ang signal light para sa kanila.
Ang rider na nakabanggaan nila, aminado na bawal ang ginawa niyang pagkaliwa sa lugar.
Nasa kostudiya na ng mga awtoridad ang babaeng rider na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting to homicide, physical injury and damage to property.-- FRJ, GMA Integrated News