Iniimbestigahan ngayon ang isang babaeng empleyado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nahuli-cam na may nilulunok umanong tila papel matapos magreklamo ang isang pasahero na nawawalan umano ng $300.
Sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Huwebes, nakita sa CCTV footage sa NAIA 1 noong gabi ng Setyembre 8 ang isang babaeng contractual employee ng Office for Transportation Security (OTS) na tila may isinubong papel bago uminom ng tubig.
Sa isang punto, tila isinusuksok pa niya paloob sa bibig ang umano’y papel.
Ayon kay Kim Marquez, public information officer ng OTS, ipinagbabawal sa ilalim ng kanilang polisiya ang mga empleyado na kumain sa kanilang area.
Iniimbestigahan na ng OTS ang video nang makatanggap sila ng sumbong noon ding araw na iyon mula sa isang pasahero na nawalan ng $300.
Kinapkapan ang mga naka-duty na empleyado pero walang nakitang dolyar ang mga nag-imbestiga, kaya palaisipan kung saan napunta ang pera.
Hanggang sa makita ang kuha sa 28-anyos na babaeng empleyado sa pagbusisi sa mga CCTV footage.
Bukod dito, may nakita ring isa pang personnel na kaniyang kasama.
Kasalukuyang inaalam kung ang perang nawala sa pasahero ang nilunok ng empleyado, ngunit itinanggi na ng tauhan ang paratang.
Iniimbestigahan din ang kaniyang supervisor at isa pang tauhan na sangkot din sa insidente.
Isinailalim na sa preventive suspension ang tatlong empleyado kaya walang pagkakataon ang GMA Integrated News na makunan sila ng panig.
Inaasahang matatapos ang imbestigasyon sa loob ng ilang linggo, at maglalabas ng rekomendasyon sa insidente ang OTS.
Sinabi ni Marquez na nakikipag-ugnayan na sila sa PNP Aviation Security Group para sa pagsasampa ng kaso at hinihikayat ang complainant kung itutuloy niya ang kaniyang reklamo.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News