Isang Vietnamese national sa Malate, Maynila ang inaresto matapos maaktuhang may ginagawa umanong kalaswaan, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nabulabog ang isang kalye sa Barangay 754 nitong Huwebes ng umaga matapos dumaan ang isang lalaking hubo't hubad na hinahabol ng mga tanod.

Bago nito, sinita raw ng mga tanod ang lalaki dahil may ginagawa itong malaswa habang nasa kalsada.

Naging agresibo raw ang nakahubong lalaki at sinunggaban ang mga tanod. Ayon sa mga tanod, may hawak na screwdriver ang lalaki habang nagwawala.

"Inaresto natin dahil doon sa ginagawa niyang hindi maganda sa lugar, may indecent act na ginagawa siya doon," ani Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, hepe ng Police Community Precinct 9 ng Manila Police District.

Paniniwala ng mga tanod na rumesponde, wala raw sa tamang kaisipan ang lalaki.

Tinangkang kausapin ng mga pulis ang lalaki pero hindi ito nagsasalita ng English o Filipino. Sasampahan siya ng reklamong alarm and scandal, physical injury at grave threat.

Kasalukuyang nakadetine ang suspek sa MPD Headquarters habang nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Vietnamese Embassy.  —KBK, GMA Integrated News