Dead on the spot ang isang lalaking senior citizen na tumatawid sa kalsada matapos siyang magulungan ng cement mixer truck sa Sta Cruz, Maynila.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, makikita ang pagtawid ng biktima sa gitna ng mabigat na daloy ng mga sasakyan sa bahagi ng C.M. Recto pasado alas-singko ng hapon nitong Huwebes.

Huling nakita ang senior citizen na palapit sa isang cement mixer truck. Ngunit ilang saglit pa, umandar na ang mga sasakyan at dito na nasagasaan ang tumatawid na biktima.

Agad rumesponde ang mga awtoridad ngunit idineklarang dead on the spot ang senior citizen.

Ayon sa mga awtoridad, wala umanong kasamang pahinante ang driver ng truck. Gayunman, iniimbestigahan din nila ang hindi pagtawid ng biktima sa tamang tawiran.

Humihingi ng paumanhin ang nakabanggang truck driver na sinabing aksidente ang nangyari.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News