Nahuli-cam ang pagkuha ng isang lalaki sa cellphone na gamit ng dalawang babae habang gumagawa ng content video para sa Tiktok sa Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera na inilagay ng dalawang babae ang cellphone sa likod ng isang nakaparadang tricycle.

Nangyari ang insidente sa tabi lang ng barangay hall ng Barangay 470, Sampaloc, Manila.

Habang nagsasayaw ang dalawang babae, lumapit ang kawatan sa tricycle at kinuha ang cellphone.

Babawiin pa sana ng isang babae ang cellphone pero napatakbo rin siya  nang bigla siyang hinarap ng lalaki.

Tinangka naman ng mga tauhan ng barangay na habulin ang kawatan pero hindi na nila nakita. --FRJ, GMA Integrated News