Kinumpirma ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pinagputol-putol ang katawan at inilagay sa septic tank ang nawawalang bilanggo o person deprived of liberty (PDL) sa New Bilibid Prison (NBP).
Nitong Miyerkules, sinabi ni Remulla na July 15, 2023 nang iulat na nawawala ang PDL.
“‘Yung nawawalang PDL nahanap na. Patay, decapitated. That’s the status of the missing PDL. And there will be other revelations in the next few days,” sabi ni Remulla.
Ayon sa kalihim, may kaugnayan ang insidente sa patayang nangyayari umano sa Bilibid bago pa man ang pag-upo ni BuCor chief Director General Gerald Catapang.
Gayunman, hindi pa masabi ni Remulla kung sino ang posibleng utak sa likod ng patayan.
“Sketchy pa lahat. Everything is still in the exploratory stage and we’re still trying to find out. Trying to get the bottom of everything,” anang kalihim.
Inaasahan ni Remulla na makakakuha na siya ng komprehensibong ulat mula kay Catapang ngayong Miyerkules.
Sinabi naman ni BuCor deputy director for operations Angie Bautista, na ang K9 units mula sa Philippine Coast Guard ang nakatukoy ng kinaroroonan ng bangkay ng nawawalang PDL nitong Martes.
“So, ngayong araw po na ito kung ano po yung naamoy ng aso, 'yan po yung ilalabas natin po mula doon sa septic tank,” ayon kay Bautista sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Ayon kay Bautista, pinagputol-putol umano ang bangkay.
Aalamin din umano kung tama ang natanggap nilang impormasyon na posibleng may iba pang mga labi na inilagay sa naturang poso negro.
“Kaya po na-trace lang namin ito dahil po sa information din ng ating mga PDL na ito po talaga ever since ang baunan [lagayan ng bangkay],” ani Bautista.
Ipapasipsip umano ang naturang poso negro para malaman kung may iba pang mga labi ng tao sa loob.
Matapos ang pagkakatukoy sa kinaroroonan ng bangkay ng nawawalang PDL, nagkaroon naman ng kaguluhan sa mga miyembro ng Batang City Jail at Bahala Na Gang nitong Martes ng gabi na humantong sa pamamaril.
Siyam na PDL ang nasugatan at dinala sa pagamutan.
Nasundan pa ito ng insidente ng pananaksak na isang PDL ang nasawi. Pero inaalam pa ng mga awtoridad na konektado naman ito sa naunang insidente ng kaguluhan.--FRJ, GMA Integrated News