Gumawa ng kasaysayan ngayong Martes ang Philippine women’s national football team nang maitala nila ang unang "goal" at unang panalo sa Women's World Cup kontra sa koponan ng New Zealand.

Sa kanilang laro sa 2023 FIFA World Cup na idinaraos sa Wellington, New Zealand, nanaig sa iskor na 1-0 ang mga Pinay laban sa host na New Zealanders.

 

 

Ang makasaysayang unang goal o iskor ng Pinay football team sa FIFA World Cup ay mula sa striker na si Sarina Bolden.

Nakalusot ang bola na pinatama ni Bolden sa kaniyang ulo mula sa pasa ng kaniyang kakamping si Sarah Eggesvik, sa ika-24th minute ng laro.

 

 

Kamuntik pang maharang ng goalkeeper ng New Zealand na si Victoria Esson ang bola pero tumalbog ito sa kaniyang mukha at tuluyang lumusot sa net.

 

 

Kahit mas madalas na nasa New Zealand ang bola, bigo silang makaiskor dahil na rin sa mahusay na depensa ng Philippine goalkeeper na si Olivia McDaniel.

Sunod na kakaharapin ng Pilipinas ang koponan ng Norway sa Linggo. —FRJ, GMA Integrated News