Sinalakay ng National Bureau of Investigation ang isang bar sa Pasay City dahil sa pagbebenta nito ng nitrous oxide o ''laughing gas'' sa isang bar. Ang mga customer na Vietnamese national, naaktuhan pang gumagamit.
Sa ulat ni Nico Waje sa ''24 Oras Weekend'' nitong Linggo, mapapanood ang pagsalakay ng NBI Anti -Organized and Transnational Crime Division sa establisyimento matapos ang isang buwang surveillance.
Naaktuhan ang mga customer na mga Vietnamese national na gumagamit ng lobo na may nitrous oxide o “laughing gas” sa loob.
Palaging masaya at tumatawa ang epekto ng gumagamit ng volatile substance na ito.
Bukod dito, nadiskubre rin ng mga awtoridad ang anim na tangke ng nitrous oxide na ginagamit pang-refill sa mga lobo.
Sinabi ng mga nadakip na helper ng bar na hindi nila alam na ilegal ang bentahan ng nitrous oxide.
Sa paghahalughog pa ang NBI sa lugar, may nakitang isang tila party drug na nakalagay sa isang sachet.
Sinabi ng barangay na hindi nila alam na may ganitong klase ng bar na nag-o-operasyon sa lugar. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News