Isang jeep ang nawasak at tumagilid matapos itong mawalan ng preno at bumangga sa poste sa Pasig Boulevard corner C5. Ang tsuper at karamihan sa mga pasahero nito, sugatan.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GTV News "Balitanghali" ngayong Miyerkoles, sinabing ibinangga ng driver ang jeep sa isang poste pasado hatinggabi para hindi na makaaksidente ng iba pang motorista.

Tumagilid ang sasakyan sa lakas ng impact at nasira ang tagiliran nito. Humiwalay din ang mga gulong sa mismong katawan.

Dinala sa ospital ang dalawang pasahero matapos mahirapang huminga dahil sa mga tinamong sugat, habang nirespondehan ng medic team ng Pasig LGU ang driver.

Naging pahirapan ang pagtatayo sa jeep, at naghintay pa ng tow truck ng MMDA para hatakin ito dahil wala nang gulong sa harapan.

Tumagas din ang langis ng jeep kaya nagsagawa ng flushing operation ang mga bumbero.

Patuloy ang imbestigasyon ng Pasig Traffic Police sa aksidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News