Inaresto ng mga awtoridad ang isang lalaki na inirereklamo ng kaniyang mga kapitbahay ng pananakot, panggugulo at pamboboso sa Pasig City. Ang isang ginang, nakita umano ang suspek na may ginagawang kahalayan sa sarili.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "Saksi" nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Arturo Cordova Jr., alyas Turbo.
Inaresto si Cordova sa bisa ng arrest warrant kaugnay sa kinakarap nitong kaso na six count ng paglabag sa Child Abuse Law na isinampa ng kaniyang mga kapitbahay.
Kuwento ng isa sa mga biktima na itinago sa pangalang "Nene," nakita niya ang suspek na may ginagawang kahalayan sa sarili.
"May kinukuha akong sampay sa gate namin, ngayon may sumitsit sa akin," ani Nene, at sinabing nakita niya ang hindi kanais-nais na ginagawa ng suspek sa sarili.
Ayon pa kay Nene, pinagti-tripan din umano ng suspek ang mga menor de edad niyang anak na babae at sinusundan sa eskinita.
"Lagi niyang sinisitsitan. Madalas niyang sabihan na hihintayin kita paglaki," dagdag ng nagrereklamo.
Ayon naman kay Issa, 'di niya rin tunay na pangalan, tinututukan umano ng suspek ng sumpak ang kaniyang anak at sinasabihan na laging daan nang daan.
Dahil sa ginagawa ng suspek, naapektuhan na raw ang pag-aaral ng anak at umiinom na ng gamot dahil nagkaroon na ng depresyon at anxiety.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang suspek na nasa kostudiya ng pulisya, ayon sa ulat.
Inatasan na rin ng mga opisyal ng pulisya ang mga tauhan na imonitor ang lugar ng mga biktima para matiyak ang seguridad doon.--FRJ, GMA Integrated News