Patay ang isang konduktor ng bus matapos siyang tumilapon nang sumalpok ang kanilang sasakyan sa isang truck sa northbound lane ng C5 road sa Taguig. Ang 13 iba pa, sugatan.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, sinabing nangyari ang aksidente bandang 4 a.m., na ayon sa mga saksi ay nag-U-turn ang truck na may kargang buhangin na nanggaling sa southbound lane.
Pagliko ng truck, dito na ito nasalpok ng bus.
Bumuwal ang truck kaya nagdulot lalo ito ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa lugar.
Naialis naman ang kumalat na buhangin bago mag-9 a.m. sa kalsada.
Sa ulat ni Nimfa Ravelo ng Super Radyo dzBB, sinabing nasa tanggapan na ng Taguig Police ang driver ng bus at driver ng truck habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
Sinabi ni Traffic Investigator Antonio Sinampan na nasa tamang U-turn slot ang truck sa Heritage Park.
Bukod sa namatay na konduktor, 13 iba pa ang sugatan, na dinala sa Taguig-Pateros General Hospital
Isang kinatawan na ng Jac Liner ang kumausap at umasikaso sa mga naaksidenteng pasahero sa ospital.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News