Itinalaga ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si Gilbert Teodoro Jr. bilang pinuno ng Department of National Defense (DND), habang si Dr. Teodoro Herbosa na ang magiging pinuno ng Department of Health (DOH).

Inanunsyo ito ng Presidential Communications Office nitong Lunes makaraang magkahiwalay na pulungin ni Marcos sina Teodoro at DND Senior Undersecretary Carlito Galvez, at si Herbosa at Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire sa Malacañang.

Tumakbong senador pero natalo si Teodoro sa nakaraang 2022 elections sa ilalim ng BBM-Sara UniTeam slate.

Dati nang nagsilbing Defense chief si Teodoro sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo.

Samantala, dati namang undersecretary sa DOH mula 2010 hanggang 2015 si Herbosa.  Nagsilbi siyang special adviser sa National Task Force Against COVID-19, nitong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Noong June 2022, inirekomenda ng Private Hospitals Association Philippines (PHAPI) at Philippine Medical Association na si Herbosa ang italagang pinuno ng DOH. --FRJ, GMA Integrated News