Hindi interesado si dating Pangulong Rodrigo Duterte na maging anti-drug czar gaya ng mungkahi ng kaniyang mga kaalyadong senador.

“Mukhang hindi na rin tama, Pastor, because there is the President [Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.] duly elected and it is his duty to enforce the law and solve crimes,” sabi ni Duterte kay Pastor Apollo Quiboloy sa panayam ng SMNI.

Sa naturang panayam, tinanong si Duterte kung ikinukonsidera niya ang ilang mungkahi na maging anti-drug czar sa administrasyong Marcos.

“Let us give Marcos the greatest elbow room leeway to do his job in just one year. And in fairness do’n sa mga pulis, 'yan ang problema. The last time I said it, it's a matter of leadership,” anang dating Punong Ehekutibo.

Sa isang pagdinig sa Senado kamakailan tungkol sa nakumpiskang the P6.7 bilyong halaga ng shabu, tinanong ni Senador Bong Go si Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda, kung makatutulong ba kung magiging anti-drug czar si Duterte.

Ayon kay Acorda, susuportahan niya ang anumang hakbang na makatutulong sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Nagsilbing Executive Assistant ni Duterte si Go, bago naging senador.

Sinuportahan naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa, na gawing anti-drug czar si Duterte dahil babalik umano ang takot ng mga tiwaling pulis at mga kriminal na sangkot sa ilegal na droga.

Si Dela Rosa ang nagsilbing chief PNP sa panahon ng Duterte administration.—FRJ, GMA Integrated News