Sa kustodiya ng mga awtoridad ang bagsak ng apat na menor de edad matapos silang makuhanan ng hinihinalang shabu na higit sa P30,000 ang halaga sa magkakahiwalay na drug buy-bust operation sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing isang 16-anyos na binatilyo ang hinuli ng mga tauhan ng Quezon City Police District Station 3 sa Barangay Balong Bato.
Nahuli siyang nag-aabot umano ng item sa pulis na nagpanggap na buyer.
Nakuha mula sa menor de edad ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,400.
Ayon sa Talipapa Police Station, dati na ring nahuli ang menor de edad sa ilegal na droga noong 2018 sa Navotas.
Tatlong menor de edad naman ang nahuli sa Barangay Unang Sigaw, kung saan ang dalawa sa kanila ay edad 15 habang ang isa ay edad 14.
Nakuha sa tatlong binatilyo ang apat na gramo ng shabu na nagkakahalaga naman ng P27,200.
Ayon sa isang opisyal ng Barangay Unang Sigaw, may dati na ring record ang mga menor de edad.
Inihabilin sa Social Services Development Department ang mga suspek, na hindi na kinunan ng pahayag ng media.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang posibleng pinagkukunan ng droga ng mga naarestong kabataan. —LBG, GMA Integrated News