Nadulas ang ilang motorcycle riders sa EDSA dahil sa tumagas na langis mula sa isang dump truck.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes na nilagyan ng mga tauhan ng MMDA ng gusot ang isang bahagi ng EDSA-Santolan southbound lane matapos tumagas ang langis mula sa isang truck.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente badang alas-onse nitong Miyerkoles ng gabi.
Dahil sa dulas ng kalsada, ilang napadaang motorista ang naaksidente.
Ayon kay Sherwin Aroy, MMDA traffic auxiliary, "Yung mga motor na sumemplang pero hindi naman totally nasaktan. Bale mga motorsiklo lang ang na-damage."
Galing umano sa Porac, Pampanga ang truck upang mag-deliver ng buhangin sa Camp Aguinaldo.
Nasa dalawang litro ng langis ang tuagas sa kalsada.
"Nang pomreno ako, biglang bumagsak ang steering box ko. Pagbagsak, tumulo yung langis. Yun ang nangyari," pahayag ni AR Samson, driver ng truck.
Inabot ng halos dalawang oras bago nahatak ang dump truck, ayon sa ulat. —LBG, GMA Integrated News