Apat katao, kabilang ang isang menor de edad, ang patay matapos silang pagbabarilin sa loob ng isang bahay sa Navotas. 

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing Lunes ng madaling araw nang pagbabarilin ang mga biktima sa loob ng isang bahay sa Barangay North Bay.

Kinilala ang mga biktima na sina Allan Sioson, 49-anyos, at kinakasama niyang si Rosalia Menam 26, at si Saly Sapalo, 41, at isang 15-anyos na binatilyo.

Ayon kay Police Colonel Allan Benitez Umpig, hepe ng Navotas Police, nakulong na noon si Sioson dahil sa ilegal na droga, at nakalaya noong 2021.

Gayunman, nagpatuloy umano ito sa ilegal na gawain.

Ayon kay Umpig, batay sa nakalap nilang impormasyon, lumalabas na drug den ang bahay ni Sioson, at nagsisilbing utusan o runner sina Sapalo.

Hindi naman naniniwala ang ina ng binatilyo na sangkot sa ilegal na droga ang kaniyang anak.

Posible umanong nagkataon lang na nandoon sa bahay ang kaniyang anak at nadamay lang sa pamamaril.

Ayon sa pulisya, nakita sa crime scene ang 20 basyo ng bala, dalawang sachet ng hinihinalang shabu at drug mga drug paraphernalia.

Hinala ni Umpig, posibleng onsehan sa droga ang ugat ng krimen. May nakita umano silang libro na posibleng naglalaman ng ilegal na transaksyon ni Sioson.

Apat na suspek umano ang pinaghahanap ng mga awtoridad.--FRJ, GMA Integrated News