Arestado ang isang grupo na talamak sa kanilang laglag-barya modus, matapos silang mahuli naman dahil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga sa Maynila.

Ang ninakaw nilang P350,000 mula sa laglag-barya, hindi na nabawi ng biktima na gagamitin sanang panggamot sa sakit niya sa kidney.

Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood sa isang kuha ng CCTV ang pagparada ng isang puting sasakyan sa Rizal Avenue sa Sta. Cruz, Maynila noong Mayo 8.

Sa harap nito, huminto naman ang isang asul na sasakyan saka bumaba ang mga sakay nitong suspek.

Pumunta sa likod ng bibiktimahing puting sasakyan ang isang babaeng nakapayong at isang lalaking nakaitim.

Ilang saglit pa, umupo na ang lalaki para maglaglag ng barya sa likurang bahagi ng sasakyan, habang tinatakpan siya ng babaeng nakapayong.

Naghintay ang lalaki habang may kausap ang driver, saka siya pumunta sa driver’s side para katukin ito at sabihing may mga nahulog na barya sa likod ng sasakyan.

Ngunit hindi bumaba ang driver, kaya isa namang nakaputing lalaki ang sumubok na kumatok sa driver.

Pagkabukas ng driver ng kaniyang pinto, may isa namang lalaki ang pumunta sa passenger’s side, binuksan ang pinto at may kinuha bago umalis.

Sinabi ng pulisya na ang mga suspek din ang nakunan sa CCTV sa isang fast food restaurant sa Angeles, Pampanga.

Sa video, isang lalaking nakaputi ang naglaglag ng barya saka iniusog ito sa isang babaeng customer. Isa pang lalaking nakasumbrero ang nakaabang sa biktima.

Maya-maya pa, itinuro ng lalaking nakaputi ang nalaglag na barya sa babaeng customer. Pagkalingon ng biktima, sinalisihan naman siya ng lalaking nakasumbrero at kinuha ang kaniyang bag.

Kalaunan, nadakip ang mga suspek ng mga pulis-Maynila, at inisa-isa pa sa kanila ang mga kuha ng CCTV ng kanilang pagnanakaw.

Nadakip sila matapos madawit sa bentahan ng droga sa Maynila noong nakaraang linggo. Hindi sila nakapagnakaw kaya tumawid sila sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Dati nang nahuli ang mga suspek sa Maynila, kaya dumayo na rin sila sa Central Luzon para makapagnakaw.

Hindi na nabawi pa ang P350,000 na laman ng bag na nakuha sa sasakyan sa Rizal Avenue, na gagamitin pa man ding panggamot ng biktima na may sakit sa kidney.

Iniwan naman ng mga suspek sa ibang restaurant ang bag ng babaeng customer sa Pampanga. —LBG, GMA Integrated News