Dahil sa masangsang na amoy, natuklasan sa loob ng washing machine ang bangkay ng isang batang lalaki sa Las Piñas City. Ang suspek, menor de edad na kamag-anak ng biktima.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing naaagnas na ang bangkay ng apat na taong gulang na biktima nang makita sa washing machine na nasa loob ng kuwarto ng 15-anyos na suspek na tiyuhin ng bata.
Hindi na ginagamit ang washing machine na nilagyan ng takip at pinatungan ng mga libro.
Ayon sa awtoridad, inireport sa barangay na nawawala ang biktima noong Biyernes. Nang araw din iyon, nagpadala umano ng mga larawan ng bata ang suspek sa isa nilang kamag-anak.
May mga larawan na may time stamp umano na 3:53 pm na nasa loob na ng balde ang biktima. May mga kuha rin umano na nagpapakita ng maselan at brutal na ginawa sa biktima.
Batay sa resulta ng awtopsiya sa mga labi ng biktima, blunt traumatic injuries o nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang bata dahil sa palo ang dahilan ng kaniyang pagkasawi.
Ang mismong ina ng suspek ang nakadiskubre sa bangkay ng biktima dahil sa masangsang na amoy, at siya na rin ang nagsuko sa kaniyang anak.
"Pagtingin niya may kumalabog, ayun po yung bata wala nang malay. Ang ginawa niya po binuhat niya yung bata sa taas, nilagay niya sa washing [machine]," ayon sa ginang.
Sinampahan na nitong Lunes ang suspek ng murder in relation to RA 7610, o anti-child abuse law.
Ayon sa pulisya, matibay ang kaso laban sa suspek dahil na rin sa tila pag-amin umano nito sa social media post na may ginawa ito na kaniyang pinagsisisihan.
Ayon kay Police Colonel Jaime Santos, hepe ng Las Pinas Police, lumitaw sa kanilang imbestigasyon na mahilig ang suspek na manood ng foreign films tungkol sa serial killer and sexual offenses.
Sabi pa ni Santos, inamin din umano ng suspek ang partisipasyon sa krimen.
Pero dahil menor de edad ang suspek, nasa kustodiya siya ng City Social Welfare Office. Ayon kay Santos, sususpindehin muna ang pag-usig sa suspek hanggang sa maabot nito ang edad na 18.
Desidido naman ang lolo ng biktima na papanagutin ang suspek. --FRJ, GMA Integrated News