Nagbitiw sa kaniyang puwesto bilang pinuno ng Land Transportation Office (LTO) si Atty. Jose Arturo Tugade.

Ang kaibahan sa paraan ng pamamahala sa Department of Transportation (DOTr) na nakasasakop sa LTO ang idinahilan ni Tugade sa kaniyang pagbibitiw.

Sa pahayag na inilabas sa pamamagitan ng Presidential Communications Office nitong Lunes, sinabi ni Tugade na sa pagbibitiw niya sa LTO, mabibigyan ng pagkakataon si Transportation Secretary Jaime Bautista na pumili ng tao na ay nararapat na mamuno sa iniwan niyang tanggapan.

“Even as DOTr and LTO both aim to succeed in serving the public, our methods to achieve that success differ,” ani Tugade.

“I will continue to root for the LTO’s success even as a private citizen, because I will always share in Sec. Bautista’s belief that our offices can be a formidable force for good in our country,” dagdag niya.

Si Tugade ay anak ni dating Transportation Secretary Arthur Tugade. Naupo sa puwesto sa LTO ang nakababatang Tugade noon lang November 2022.

Nitong nakaraang buwan, inihayag ng LTO na wala nang sapat na plastic driver’s license cards para tugunan ang pangangailangan ng ahensiya. Dahil dito, mga printed license o nasa papel ang pansamantalang lisensiya ang ibinigay ng LTO sa ilang motorista.

Inihayag din ng LTO na posibleng kulangin na rin ng license plates para sa mga motorsiklo sa June, at sa mga four-wheeled vehicle sa July.

Naglabas din ng pahayag si Bautista at pinasalamatan si Tugade sa serbisyo nito.

"His pursuit of service innovations at LTO benefited the public, for which this office is grateful," anang kalihim.

Sinabi ni Bautista na magsusumite siya ng mga pangalan sa Office of the President para sa posibleng ipalit kay Tugade. —FRJ, GMA Integrated News