Sumabog ang Starship rocket ng SpaceX ni Elon Musk sa kauna-unahan nitong test launch, ilang minuto matapos lumipad sa ere.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing ang Starship rocket ng SpaceX ay idinisenyo para maging reusable craft na magdadala ng mga tao sa Mars. Itinuturing din itong pinakamalaking spacecraft na nabuo sa kasaysayan.
Naging matagumpay ang blast off ng Starship ng SpaceX, na unmanned o walang sakay na astronauts sa test launch.
Sa unang plano, nakatakdang humiwalay ang Starship mula sa booster rocket, bago lilipad ang Starship sa kalawakan sa loob ng 90 minuto.
Ngunit hindi naghiwalay ang dalawang bahagi ng space vehicle at nagkaroon ng problema sa ere ilang minuto matapos ang blast off.
Pagkaabot ng spacecraft sa taas na 32 kilometro, sumabog na ang rocket.
Gayunman, tuloy ang pagsasaya ng mga empleyado ng SpaceX, na itinuturing tagumpay pa rin umano ang test flight matapos matuloy ang lift off.
Nakakuha rin sila ng mga datos na makatutulong para sa susunod na test flight ng SpaceX.
“The idea is you not just have one prototype, but you have many, many, many prototypes. And you launch the first one, which is what they did today. When it doesn’t work, you very quickly find out why it did not work and you find the weakest links in the system,” sabi ni Garrett Reisman, former director ng space operations ng Space X.
May dalawang bahagi ang rocket: ang Starship kung saan sasakay ang mga astronaut, at ang booster rocket na siyang magdadala sa Starship sa kalawakan.
Bigo man ang SpaceX na paghiwalayin ang dalawang bahagi sa test launch, naniniwala ang ilang eksperto nagsisilbi itong hakbang sa mas malawak na pagtuklas at pag-aaral sa kalawakan.
“This is the biggest rocket that humanity has ever tried to build. And it is going to unlock a lot of doors in terms of what we can do on the Moon and Mars because we can carry, literally orders of magnitude, more people and more cargo and also bring stuff back from these places – so bringing back samples from the Moon and Mars,” sabi ni Dr. Tanya Harrison ng University of British Columbia. —VBL, GMA Integrated News
SpaceX Starship rocket ni Elon Musk, sumabog ilang minuto matapos mag-blast off
Abril 21, 2023 2:19pm GMT+08:00