Nakaresbak na sa wakas si Israel Adesanya sa mahigpit niyang katunggali na si Alex Pereira na kaniyang pinatulog sa second-round at mabawi ang middleweight world title sa kanilang laban sa UFC 287 nitong Linggo sa Kaseya Center sa Miami, Florida.
“I hope every one of you behind the screens and in this arena can feel this level of happiness just one time in your life,” sabi ni Adesaya, na dalawang beses nang natalo sa Brazilian fighter, kasama ang salpukan nila noong Nobyembre sa 281, at naagaw ni Pereira ang titulo.
“But guess what? You never feel this level of happiness if you do not go for something. If you stay down you will never ever feel that result,” dagdag pa ni Adesaya.
Sa first round, tila nagsukatan ng lakas ang dalawa kung saan nagpapakawala ng kani-kanilang jabs at leg kicks sina Adesaya at Pereira.
May pagkakataon naman na kailangang magpalit ng porma si Adesaya dahil sa calf kicks na ginagawa ni Pereira.
Sa round two, nagpatuloy ang calf kicks ni Pereira at nadikitan niya si Adesanya para sumungkit ng bodyshots, na ininda ng dating kampeon.
Napatayo na ang mga nanonood dahil tila makaka-tatlong panalo na ang Brazalian, nang biglang bumulaga ang overhand right ni Adesanya na tumama kay Pereira, at pinabaunan pa ng isang suntok na nagpatulog sa kampeon, 4:21 sa round two.
Sa naturang tagumpay, nabawi ni Adesanya kay Pereira ang kaniyang UFC middleweight world title, at itinala ang ika-24 na panalo, na may dalawang talo na parehong nakamit niya kay Pereira.
Samantala, ang kabiguan kay Adesanya ang ikalawang pagkatalo ni Pereira sa MMA, na may pitong panalo. —FRJ, GMA Integrated News