Mariing isinusulong ng isang grupo sa Pilipinas ang pag-legalize ng paggamit ng medical marijuana.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes na isa sa mga grupong nagsusulong sa pagsasaligal ng marijauna bilang gamot ay ang Cannahopefuls, Inc.
Ayon sa pinuno ng Cannahopefuls na si Dr. Donnabel Trias-Cunanan, "Ang misyon namin ay maisulong ang pagsasaligal ng marijuana bilang gamot na dapat affordable, safe, at available na legal cannabis."
Itinuturing ng grupo na alternatibong gamot ang marijuana na maaaring magamit sa iba't ibang karamdaman gaya ng epilepsy, cancer, at yung mga pasyenteng may chronic pain," ayon kay Dr. Cunanan.
Dagdag niya, may anak siyang may epilepsy at naniniwala siyang malaking tulong sa kanya kung papayagan sa bansa ang medical marijuana. Kaya isinusulong niya ang adbokasiya ng grupo na tumatakbo na ng 10 taon.
Ayon kay James Agustin, ganito rin umano ang paniniwala ng Philippine Cannabis Legal Resource Center (PCLRC), isang grupong nag-aalok ng libreng legal na tulong sa mga nahuhuli dahil sa marijuana.
Ayon kay Atty. Henrie Enaje, executive director ng PCLRC, "Naniniwala tayo na ang access to cannabis as medicine is a human rights issue, right to health po ito, right to access to health..."
May mga panukala nang nai-file kapwa sa Senado at sa Kamara na naglalayong i-legalize ng medical cannabis.
Legal ang paggamit ng medical marijuana sa mahigit 60 na mga bansa, at ang pinakaunang bansa sa Asya na nag-legalize nito ay ang Thailand.
Marami na ring mga grupo sa Pilipinas ang nagsusulong sa medical marijuana, pero nananatili pa ring iligal ito sa bansa dahil sa agam-agam na baka maabuso ito, ayon kay James Agustin. —LBG, GMA Integrated News