Dalawang tiket pero magkaparehong numero ang tinayaan. Ganito umano ang ginawa ng isang ama sa Laguna na tumama ng mahigit P11 milyong jackpot prize sa MegaLotto 6/45 draw noong February 27, 2023.
Sa pahayag na inilabas ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong Martes, sinabing kinumbra na ng mag-ama na mula sa San Pablo, Laguna ang pinaghatian nilang premyo na P11,631,365.60.
Ikinuwento umano ng anak na mga petsa ng kapanganak at edad ang tinayaang numero ng kaniyang ama na tumama: 25-4-11-35-15-09.
Ayon naman sa ama, una niyang tinayaan ang mga numero sa isang lotto outlet sa plaza dakong 1:00 pm.
"Tapos pagbalik ko sa sasakyan ko bandang 3:00 pm, tumaya ulit ako ng parehong number. Pag-uwi ko sa bahay ibinigay ko sa kaniya (sa anak ko), sabi ko, 'tig-isa tayo. Kapag tumama hati tayo," kuwento ng ama sa pahayag ng PCSO.
Idinagdag pa umano ng ama na naniniwala siya sa horoscope niya ngayong taon na magiging masagana ang kanilang buhay.
"Sabi sa horoscope ko ang 2023 daw ay year of abundance para sa lahat ng ipinanganak ng 1959 at malaki ang chance na yumaman ngayon taon kaya taya lang po ako ng taya ng lotto," sabi ng ama.
Sa ngayon, wala pa raw plano ang mag-ama kung ano ang gagawin nila sa napanalunan kaya ilalagak muna nila ang pera sa bangko.
Samantala, wala namang tumama sa isinagawang mga draw nitong Martes ng gabi, March 14, 2023, para sa Ultra Lotto 6/58, Superlotto 6/49, at Lotto 6/42.
Sa Ultra Lotto 6/58, ang lumabas na mga numero ay 17-27-48-41-58-52, at may premyong P49,500,000.00.
Sa Superlotto 6/49, ang winning numbers ay 37-04-20-39-23-15, at may jackpot prize na P19,924,336.20.
Sa Lotto 6/42, ang lumabas na mga numbero ay 30-38-02-36-29-13 , na may premyong P7,444,988.60.--FRJ, GMA Integrated News