Hindi katanggap-tanggap at kahindik-hindik para kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang ginawang pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Sabado.
"The killing of Governor Degamo is entirely unacceptable and it will not stand. This cannot go unpunished," sabi ni Marcos sa mga mamamahayag nitong Lunes.
"This one is particularly terrifying," dagdag ng pangulo.
Nitong Sabado ng umaga, pumasok sa bakuran ng bahay ng gobernador ang mga armadong lalaki. Nagpakilala umanong mga sundalo ang mga salarin at pinagbabaril si Degamo na namamahagi umano ng ayudang pinansiyal sa mga tao sa Pamplona.
Bukod kay Degamo, pitong iba pa ang nasawi.
Kaugnay ng mga pag-atake sa mga lokal na opisyal, inatasan ni Marcos ang Department of the Interior and Local Government at kapulisan, na tukuyin ang mga lugar na "hotspot," gaya ng ginagawa kapag panahon ng eleksyon.
"Actually, ang sinabi ko sa ating [DILG] Secretary [Benhur] Abalos and then the PNP is to now make an examination, kagaya ng ating ginagawa kapag darating ang eleksyon," ani Marcos.
"Gawin niyo ulit ngayon, don't think of the elections first but think ano 'yung mga hotspots, 'yung mga mainit na lugar tingnan natin," patuloy niya.
Iginiit din ni Marcos na dapat mabuwag ang private armies, at kumpiskahin ang illegal firearms para matigil ang patayan.
"Basta't kakaunti 'yung illegal firearms, kakaunti 'yung ganyang klaseng krimen. 'Yung mga private army na ganyan, kailangan talaga i-dismantle," giit niya.
Tatlong suspek na ang nadakip sa nangyaring pagpatay kay Degamo na kinilalang mga dating sundalo na sina Joric Labrador, Joven Aber, at Benjie Rodriguez.
Isang suspek pa ang napatay umano sa engkuwentro.
Sinabi ni Abalos na sinusuri ng mga awtoridad ang lahat ng posibleng motibo sa nangyaring krimen sa gobernador.—FRJ, GMA Integrated News