Isang medical evacuation helicopter na may limang sakay, kasama ang pasyente, ang iniulat na nawawala sa Palawan nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center ng Civil Aeronautics Authority of the Philippines, galing ang medevac flight mula sa Mangsee island, sa bahagi ng Balabac.
Papunta ang helicopter sa Southern Palawan Provincial Hospital sa Brooke’s Point nang bigla itong mawala.
Sakay ng helicopter ang piloto, isang nurse, isang pasyente, at dalawang kasamahan.
Ang helicopter (Alouette) ay may registry number na N45VX, at pinamamahalaan ng Philippine Adventist Medical Aviation Services na nakabase sa Brooke's Point.
Lumipad ito dakong 7:30 a.m. mula sa Brooke’s Point para sundin ang pasyente sa Mangsee Island sa Balabac. Inaasahan sana itong darating sa ospital ng 10:30 a.m.
Kamakailan lang, itinampok sa "Stand for Truth" ang ginagawang serbisyo ng dilaw na helicopter na binansagang "Yellow Bee" para madala sa ospital ang mga pasyente na nasa mga kabundukan.
WATCH: Emergency landing: Pag-asa ng Paggaling, dala ni Yellow Bee (PART 1)
WATCH: Emergency landing: Pag-asa ng Paggaling, dala ni Yellow Bee (PART 2)
—FRJ, GMA Integrated News