Sumuko sa mga awtoridad ang itinuturong bumaril sa isang dayuhang taga-New Zealand sa Makati City noong Linggo, February 19.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, inginiit ng suspek na wala umano siyang kinalaman sa krimen dahil nasa bahay daw siya nang mangyari ang pamamaril kay Nicholas Peter Stacey.
Sa exclusive na ulat ni John Consulta, sinabing sumuko ang suspek na si John Mhar Manalo sa Southern Police District (SPD) pasado ala-una ng madaling-araw nitong Biyernes.
Itinuturo si Manalo ng tatlong saksi na siyang bumaril at nakapatay kay Stacey.
Tinutukan umano ni Manalo ng baril ang girlfriend ni Stacey upang holdapin sa Barangay Palanan, Makati.
Binaril ang dayuhang biktima habang ipinagtatanggol ang kanyang girlfriend na Pinay.
Sa panayam ng GMA Integrated News kay Manalo, sinabing sumuko siya upang linisin ang kanyang pangalan.
Giit niya, wala siyang kinalaman sa pagpatay kay Stacey. Nasa bahay raw siya at kagigising lang nang mangyari ang krimen.
Ayon sa SPD, may pagdadaanang proseso ang kanilang mga nakakalap ng mga ebidensya upang mabigyan ng hustisya ang pagkapaslang sa dayuhan.
Patuloy umano ang paghahanap sa isang suspek na nagmaneho sa motorsiklong sinakyan ni Manalo at isa pang kasama nito. —LBG, GMA Integrated News