Kalaboso ang dalawang lalaki sa Quezon City matapos mabisto ang umano'y panloloko nila sa mga tindahan.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing ang modus ng dalawa ay magpapa-cash out sa eWallet ng tindahan na hindi naman sila nagta-transfer ng pera.
Ayon sa ulat ni Nico Waje, sinabing dalawang beses nabiktimang nagkataon lamang na bantay sa tindahan ng kanyang nanay, at nagpasalamat ito na sa pangalawang pagkakataon na panloloko sa kanya ay nahuli ang mga suspek.
Kwento ng biktima, dumating sa tindahan ng kanyang nanay sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City ang mga suspek.
Siya raw ang nakabantay sa tindahan at sabi ng mga suspek ay magka-cash out sila gamit ang eWallet.
Nagpupumilit umano ang mga suspek mag-cash out na, at ita-transfer na nila ang pera sa eWallet ng tindahan ang perang P1,200.
Nagpakita umano ang mga suspek ng confirmation na nai-transfer na ang pera.
Kaya binigyan na lang ng biktima kahit hindi pa niya na-confirm ang transfer, at may iba pang mga kustomer na pagbibentahan.
Nang hindi talaga dumating ang pera sa eWallet ng tindahan, nagpunta na ang biktima sa barangay.
Ayon sa ulat, nag-ikot ang mga taga-barangay at na tiyempuhan ang dalawang suspek sa isa pang tindahan.
Dinala ang dalawa sa presinto at nabawi ang P1,200 na nakuha mula sa unang tindahan.
Ayon kay Police Lt.Col. May Genio, Commader ng QCPD Station 14, "Yung dalawang suspek ay responsable sa serye ng panloloko gamit ang online app."
Nasisiguro umano ng biktima na ang mga suspek ay sila ring nangloko sa kanya noong February 8, kung saan P7, 700 ang nakuha mula sa kanya.
Itinanggi naman ng mga suspek ang paratang.
Swindling ang isasampang reklamo laban sa dalawang suspek. —LBG, GMA Integrated News