Naaresto ng Anti-Human Trafficking Division ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Maynila ang isang suspek na ginagamit umano ang mga menor de edad para abusuhin at videohan. Mga pulis naman ang nakasakote sa isa pang lalaki sa Pasig City na menor de edad din ang biktima.

Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa  GMA News “24 Oras” nitong Martes, naabutan ng NBI ang suspek na si Erwin Bernardino, isang call center agent, kasama ang isang menor de edad sa kaniyang apartment sa Sampaloc.

“Kapag may kliyente na nagustuhan ang offer niya online, humihingi siya ng subscription fee. Matapos magbayad ng subscription fee, padadalhan niya ito ng link at doon maa-access ng client yung iba’t ibang child and exploitation materials. Karamihan ay mga batang lalaki,” pahayag ni NBI spokesperson, Attorney Gisele Garcia-Dumlao.

Giit naman ni Bernardino, curiosity daw ang dahilan kung bakit niya ito ginagawa.

“Curiosity po. Sa mga nadamay, paumanhin po. Hindi ko na po uulitin, Sir, at kung may pagkakataong magbago, magbabago po,” aniya.

“Nirekomenda natin na sampahan siya sa paglabag sa RA 11930. Ito yung tinatawag na Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of children,” sabi ni Atty. Dumlao.

Samantala, kasalukuyan na ring ine-eksamen ang cellphone ng suspek para ma-track ang iba pang naging biktima sa kanyang krimen.

Sa hiwalay naman na operasyon sa Pasig City, arestado ang 30-anyos na lalaking nagpakalat umano ng maselang video call nila ng isang 16-year-old.

Ginamit umano ng suspek ang video para pilitang makipagkita sa kaniya ang biktima.

“Ikinalat sa mga classmate nitong si victim. Si suspect is still asking na mag-meet up sila in exchange for the deletion of the photos and the videos,” pahayag ni Philippine National Police - Anti-Cybercrime Group spokesperson Police Captain Michelle Sabino.

Depensa ng suspek, magkarelasyon sila ng babae pero aminado siyang hindi niya ipinaalam sa biktima ang pag-record ng video, na pangsarili lang umano dapat.

“Siguro sumakit lang 'yung loob ko dahil nga sa ginawa mo rin. 'Di ko naman kako gagawin 'yun kung 'di mo rin sa 'kin ginawa 'yung ano, 'yung mga bagay na ikasasama rin ng loob ko. Hindi ko po siya pinagsamantalahan po,” anang suspek.

Pero sabi ni Sabino, “Whatever the circumstances are, the mere fact that you have the video and [victim] is a minor is already a violation.” 

Nakatakda ng sumailalim sa inquest ang suspek sa reklamong online sexual abuse and exploitation of children, at photo and video voyeurism in relation to child abuse. —Sherylin Untalan/FRJ/KG, GMA Integrated News