Arestado ang isang jeepney driver at ang kanyang kasamahan sa Quezon City matapos umanong undayan ng saksak ang dalawang traffic enforcer na sumita sa kanila.
Iniulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles na pinatatatabi ng mga tauhan ng QC Task Force Disiplina ang isang jeep sa Quirino Highway sa Novaliches noong Martes ng hapon.
Batay sa kuha ng video, makikitang sa loob ng jeep tila may pinipigilang lalaki ang mga awtoridad. Hindi na nila pinababa ang jeepney driver.
Nang dumating ang mga pulis, inaresto ang driver na si Alex Tumala at ang kanyang kasamahan na si John Paul Cruz.
Ayon sa mga pulis, nag-ugat ang insidente sa pagsita ng mga enforcer kina Tumala at Cruz.
"Ang allegation sa kanila ay ang pagsakay at pagbaba sa bawal na babaan at sakayan. So, nilapitan ng dalawang traffic enforcer at tineketan siya. Nagalit ang driver na si Alex Tumala. Bumaba siya, nagsisisigaw, nagmumura at hinamon ng suntukan ang dalawang traffic enforcer,"ayon kay Police Lt. Col. Jerry Castillo, station commander ng Novaliches Police.
Nang lapitan umano ng dalawang enforcer si Tulmala, nag-react naman ang kasamahan nitong si Cruz.
"Nag-react si John Paul Cruz. Bumaba siya, naglabas ng kutsilyo at winasiwas, balak tulungan yung driver na hinawakan ng dalawang enforcer natin," dagdag ni Lt. Col. Castillo.
Nang kapkapan umano ang mga suspek, nakuha mula kay Cruz ang isang sachet ng umano'y shabu. Nakuha rin ka kanya ng ginamit na kutsilyo, ayon sa ulat.
Aminado si Tumala na huminto sila sa maling babaan at sakayan.
Samantala, si Cruz naman ay dati na umanong nakulong dahil sa pagsusugal. Miyembro rin unmano ito ng Sputnik Gang. Itinanggi niyang may nakuha sa kanyang droga.
Mahaharap ang dalawa sa mga reklamong alarms and scandals, and disobedience, habang si Cruz ay may karagdagang reklamo na direct assault at possession of illegal drugs. —LBG, GMA Integrated News