Isang kawani ng pamahalaan sa Tacloban City ang mapalad na isa sa dalawang naghati sa mahigit P521 milyon jackpot prize sa Grand Ultra Lotto 6/58 draw noong Disyembre 30, 2022.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office nitong Martes, sinabing kinubra ng 44-anyos na babaeng empleyado ang parte ng kaniyang panalo noong Enero 11.
Mga numerong 01-23-15-03-08-05 ang lumabas sa naturang draw na may kabuuang premyo na P521,275,111.60.
Sa naturang pahayag, sinabi umano ng lotto winner na hindi sila makatulog at hindi makapaniwala nang malaman na tumama sila sa naturang draw na isa sa mga may pinakamalaking papremyo.
Idinagdag din ng babae na hindi niya talaga alaga ang mga lumabas na numero at bihira din lang siyang tumaya.
“Yung 1 po ay dahil January, 23 para sa 2023, 15 araw ng fiesta po sa Bohol, 8 at 3 edad po ng father ko na 83 years old na po, at iyong 5 po ay gusto ng father ko umuwi sa Bohol ng January 5,” paliwanag umano ng babae sa pahayag ng PCSO.
Wala pa umanong malinaw na plano ang masuwerteng mananaya kung ano ang gagawin sa napanalunan pero ibabahagi raw niya ang iba nito sa mga nangangailangan.--FRJ, GMA Integrated News