Hindi sasampahan ng reklamo ng Bureau of Customs (BOC) ang sampung flight crew ng isang airline na nahuling nag-uwi ng “undeclared” na mga prutas at gulay--kabilang ang sibuyas--mula sa Riyadh at Dubai.
“Pagka doon naman sa pagkakaso, sa ngayon wala pong ganun,” saad ni BOC spokesperson at Customs Operation chief Arnaldo Dela Torre Jr., sa isang public briefing nitong Huwebes.
Noong Enero 10, napag-alaman na nag-uwi ang mga flight attendant ng mga sibuyas, lemon at strawberry mula sa Riyadh, Saudi Arabia at Dubai, United Arab Emirates nang walang kaukulang permit.
Bagaman hindi na magsasampa ng reklamo ang BOC, sinabi ni Dela Torre na maaari silang gumawa ng aksyon tungkol sa naging “behavior” ng mga crew.
Nauna nang sinabi ng Bureau of Plant Industry (BPI) na maaaring patawan ng disciplinary sanctions ang mga crew dahil sa insidente.
“’Yun pong legal na action na gagawin ng BOC at ng quarantine office ay with regards po doon sa behavior, doon sa pagkakataon o insidente na kung saan ay merong hindi magandang nangyari po. ‘Yun po yung legal na action,” aniya pa.
Binanggit din ni Dela Torre na ayon sa itinatakda ng ilalim ng Presidential Decree 1433 o ang Plant Quarantine Decree of 1978, kailangang kumpiskahin ng BOC ang mga produktong walang permit mula sa BPI.
Sinabi pa ng opisyal na ang mga produktong agrikultural na iniuuwi sa bansa na walang sanitary at phytosanitary clearance certificates at permit mula sa BPI ay hindi pinahihintulutan kahit gaano man ito kadami.
“Wala hong limitasyon. Ibig sabihin po, kahit isang piraso lang po ito o isang kilo lang po ito po ay subject sa confiscation ng BOC together with the quarantine officer,” giit pa ni Dela Torre.
“Ito po ay para ma proteksyonan ang agri-industry natin against sa mga peste at saka sa mga diseases na idudulot nito sa industriya,” dagdag pa niya.
Samantala, nilinaw ni Dela Torre na tinatanggap nila ang pagbatikos ng ilang senador sa pagkumpiska ng ahensya sa mga naturang produkto.
“Welcome po ang Bureau of Customs sa pagkondena sapagkat hindi naman ho natin maalis 'yung pinanggagalingan na sentimento ng ating mga kababayan,” diin pa ng BOC spokesperson. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News