Posibleng umanong mga smuggled o puslit mula sa ibang bansa ang mga sibuyas na kasinglaki ng mansanas na ibinebenta sa Pasay City at Divisoria sa Manila.
Sa ulat sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, sinabi ni Department of Agriculture Deputy Spokesperson Rex Estoperez, na batay sa impormasyon mula sa Bureau of Plant Industry, na hindi pa dumarating sa bansa ang mga inaangkat na sibuyas.
Una nang iniulat na mabibili ang malalaking sibuyas sa halagang P330 hanggang P350 kada kilo sa Pasay Public Market.
Ayon sa ilang nagtitinda, imported daw ang naturang sibuyas at nakuha nila ang mga ito sa Divisoria.
Pero hindi nila masabi ang eksaktong pinanggalingan ng mga sibuyas.
Kinumpiska nitong Martes ng gabi ang 20 bag ng malalaking sibuyas sa isinagawang operasyon nina DA Assistant Secretary James Layug.
Patuloy raw na iniimbestigahan kung saan galing ang mga sibuyas, ayon pa sa ulat. -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News