Nagulat si Senador Cynthia Villar nang malaman sa pagdinig ng Senado na hindi pa i-iodized ang mga inaangkat na asin sa Pilipinas. Ito sa kabila ng batas na nagtatakda na dapat iodized ang mga asin sa bansa na itinuturong dahilan kaya inalat at bumagsak ang lokal na industriya ng asin sa bansa.
Sa pagsisimula ng pagdinig ng Senate agriculture, food, and agrarian reform committee na pinamumunuan ni Villar, sinabi ng mambabatas na umaabot noon sa 240,000 metric tons bawat taon ang produksiyon ng asin sa Pilipinas sa bawat taon mula 1960s hanggang 1970s.
Pero bumaba na umano ngayon ang produksyon ng asin sa bansa sa 42,000 metric tons. Ang mga gumagawa ng asin, hindi umano kayang makasunod sa Republic Act 8172 o Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN), na naipasa noong 1995 at nagtatakda na dapat iodized ang lahat ng locally-produced salt sa bansa.
Bukod sa mahirap ang proseso, mahal din umano ang mga kagamitan para gawing iodized ang lokal na asin.
Dahil dito, sinabi sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, na 93 porsiyento ng mga asin sa bansa ay inaangkat.
Pero sa pagdinig, inihayag ni Gerard Konghun mula sa Philippine Association of Salt Industry Network (PhilASIN), na hindi pa iodized ang mga inaangkat na asin kapag dumating sa bansa na karamihan ay nagmula sa Australia at China.
Ang naturang pahayag, ikinagulat ni Villar.
"When you pass this (ASIN) law, you demanded the local salt be iodized tapos ngayon mag-i-import kayo ng salt na hindi iodized. Ano ba 'yan? Ano bang malaking kalokohan yan?," puna ng senadora.
"Eh di sana pinayagan niyo na lang yung local producer na hindi iodized, ni-require niyo na lang na mayroong manufacturer na mag-iodize kung ganon lang din ang gagawin niyo," patuloy ni Villar.
Ipinagtatataka niya kung bakit nakapasa sa Kongreso ang naturang batas na pumatay umano sa lokal na industriya ng asin sa bansa.
"Sino ba ang nag-advise sa Congress na i-pass itong Salt Iodization Law na ito? Sino ang nag-influence sa Congress na i-pass ito? Pinatay nito ang salt industry eh... What insanity is this? This is insanity on the part of the government," giit niya.
Ayon kay Ellen Abella mula sa National Nutrition Council, nang ipasa noon ang ASIN Law, mataas ang iodine deficiency sa Pilipinas. Nakita umano ang asin na makatutulong para matugunan ang naturang problema.
Batay umano sa pag-aaral, ang kakulangan ng iodine ay nagdudulot ng kakulangan sa pag-iisip at goiter.
Sa ngayon, sinabi ni Abella na nasa 12% na lang ang children population ang nakararanas ng iodine deficiency.
Ayon kay Villar, dapat limitahan na kung gaano karami lang ang asin na dapat maging iodized at hindi na dapat obligahin ang mga gumagawa ng asin na gawin itong iodized.
Lumitaw din umano sa pag-aaral na 32% lang o one-third ng pangangailangan ng bansa sa asin ang para sa konsumo ng tao.
Sinabi ng senador na ginagamit din umano ang asin bilang pataba sa tanim ng mga coconut farmer.
Suportado naman ni Sen Nancy Binay ang posibilidad na hakbang na alisin na ang pagtatakda na kailangan na iodized ang mga asin sa bansa.--FRJ, GMA Integrated News