Naaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa entrapment operation ang isa nilang kabarong pulis dahil sa pagbebenta umano ng ilegal na droga sa Sta. Cruz, Maynila. May dalawa pang pulis na dumating sa lugar na nakialam umano sa operasyon ang inaresto rin. Ang suspek, itinangging "ninja" cop siya.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, kinilala ang suspek na si Staff Sergeant Ed Dyson Banaag, nakatalaga sa Police Drug Enforcement Group (PDEG) sa Camp Crame.
Sa video na kuha ng poseur buyer, nakuhanan si Banaag na iniabot ang 25 gramo ng shabu, na nagkakahalaga umano ng P47,000.
Nagtangka pang tumakas ni Banaag nang makaramdam umano sa operasyon pero hindi na siya nakalusot sa nakabantay na mga pulis.
Ayon sa NCRPO, matagal na umanong nagbebenta ng droga si Banaag, batay na rin sa salaysay ng "asset" o impormante na lumapit sa ahensya.
“According sa ating informant, may operation sila dati sa Bulacan, sa area ng Cavite at alam nila bumabawas ng mga item at ‘yun ang ipinabebenta sa kaniya,” saad ni NCRPO Regional Intelligence chief Police Colonel Romano Cardiño.
“Ang utos sa kanya ay maghanap na ng mabebentahan ng droga na natabi nila,” dagdag pa ni Cardiño.
Depensa ng inarestong pulis, hindi raw siya ninja cop at bahagi lang daw iyong ng isang buildup para sa isang trabaho na kaniyang ikinakasa.
“Aminin ko na wala pang basbas, kung baga naka- 'coplan' dapat, gumalaw ako ng mag-isa. Kasi po, palipat po ako, bilang trabahador, gusto ko po, pagdating ko sa lilipatan ko, may maibibigay po akong magagandang trabaho," paliwanag ng suspek.
Itinanggi naman niya na ipinabebenta niya ang mga nakukupit umanong mga droga sa mga operasyon, at kinalaunan ay tumanggi nang magkomento.
Ayon sa ulat, dalawang miyembro rin ng Criminal Investigation and Detection Group ang inaresto rin ng NCRPO matapos magpunta sa lugar at makialam sa nangyaring operasyon.
Hindi na sila nagbigay ng pahayag.
Ang ikinasang operasyon ay pagsuporta na rin daw ng NCRPO sa hangarin ng Department of Interior and Local Government na maalis ang mga “scalawag” sa hanay ng mga pulis.
“Bigyan ninyo ng dangal ang inyong mga uniporme. Tayo dapat ang maging ehemplo ng organisasyon para matigil ang problema sa iligal na droga,” ani NCRPO regional director Police Major General Jonnel Estomo. “Wala tayong sasantuhin kahit kabaro.”
Samantala, inihayag ni PNP Police Information Office chief Police Colonel Red Maranan na dating nakadestino si Banaag sa PDEG.
“Base sa aming inisyal na pag-iimbestiga siya ay dating na-assign na rin sa PDEG. Pabalik-balik siyang na-assign du’n. Natatanggal, babalik. At nito nga January 4, siya ay nakabalik. Again, that will be part of the investigation,” ani Maranan. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News