Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Lunes na anim katao ang nasawi at 19 ang nawawala sa nangyaring pag-ulan at pagbaha sa araw ng Pasko.

Sa inilabas na ulat ng ahensiya dakong 11 a.m., apat umano ang nasawi sa Misamis Occidental sa Mindanao, at dalawa naman sa Camarines Sur sa Bicol.

Pawang nalunod ang mga biktima.

Sa mga nawawala, ayon sa NDRRMC, 10 ang mula sa Bicol, anim mula sa Eastern Visayas, at tatlo naman sa Northern Mindanao.

May tatlong tao rin ang iniulat na nasugatan.

"The waters rose above the chest in some areas, but today the rains have ceased," sabi ni civil defence worker Robinson Lacre sa Agence France-Presse sa pamamagitan ng telepono mula sa Gingoog city.

Ayon sa NDRRMC, nasa 262 barangay sa Mimaropa, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga, at Northern Mindanao, ang apektado ng ulan at baha na dulot ng shear line o pagtatagpo ng mainit at malamig na hangin.

Nasa 21 bahay ang nawasak at 27 ang bahagyang napinsala.—FRJ, GMA Integrated News