Nasagip ang isang marino na kabilang sa mga sakay ng lumubog na warship sa Thailand matapos na magpalutang-lutang siya sa dagat ng 14 oras. Pero hindi pa rin natatagpuan ang 23 na kasamahan niya.

Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa video ang pagtutulungan ng Royal Thai Navy para mahila ang marino, na napaulat na nawala matapos itumba ng mga malalaking ahon ang HTMS Sukhothai warship nitong Disyembre 18.

Namataan ng navy aircraft na kasama sa search and rescue si Chief Petty Officer First Class Natee Timdee, na nahiwalay sa kaniyang mga kasamahan nang anurin siya ng mga alon.

Sinikap na lang tipirin ni Timdee ang kaniyang lakas habang naghihintay ng rescue.

Nasa 13 talampakan ang taas ng mga alon sa laot ang humampas sa HTMS Sukhothai at nagkaroon ng engine malfunction.

Agad na nasagip ang 105 sakay nito, samantalang mahigit 30 ang unang iniulat na nawawala. Ilan sa kanila ang tumalon sa dagat na walang suot na life vest.

Pagkalipas ng ilang araw na paghahanap, anim na marino ang natagpuang patay.

Pinaghahanap pa rin ang 23 marino hanggang ngayong Disyembre 22.

Isa sa kanila ang pamangkin ni Malinee Pudphong, na nakatawag pa sa kaniya bago tuluyang lumubog ang warship.

"When my nephew said he didn't get a life vest, it's unbelievable. You're out there in the sea, everyone needs a life vest. There should be safety standards. There's got to be contingency plans. We have no confidence as they are floating in the sea with plans. We have no confidence as they are floating in the sea with just a lifebuoy and, with this kind of wind, you think they will withstand that?" sabi ni Pudphong.

Wala pang paliwanag ang navy tungkol sa kakulangan ng mga life vest.

Ayon naman sa nakaligtas na commander ng warship, tila imposible nang makaligtas ang mga nawawala niyang kasamahan.

"I was in the water for two hours and then was on the raft, I don't know for how long. But for others that were floating in the water, I'm sure that they must be fatigued right now, because they have to keep themselves on the surface, struggling with the waves, and trying to keep those nearby and those without the vest to stick together - you need a lot of strength," sabi ni Lieutenant Colonel Pichitchai Tuannadee, Commander ng HTMS Sukhothai.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News