Nabiyak ang isang truck na huminto sa gitna ng riles matapos itong masalpok ng dumaang freight train sa Tennessee sa Amerika.
Sa ulat ng GMA News Feed, mapapanood sa isang video na matapos ang salpukan, nagliyab ang natanggal na parte ng truck.
Ilang saglit pa, isa-isa nang nagsitanggalan ang mga bagon ng tren at tumagilid ang ilan sa mga ito.
Sinabi ng Tri-Community Volunteer Fire Department na tumawid ang truck sa riles nang umilaw ang green light, pero dumating ang tren bago pa man ito tuluyang makadaan.
Ayon sa driver, napilitan siyang huminto sa riles nang abutan siya ng red light sa tatawiran sanang kalsada.
Nagtamo ng minor injuries ang dalawang kataong sakay ng tren, habang ligtas ang driver ng truck.
Nagsagawa agad ng clearing operations ang mga awtoridad sa pangambang mauwi pa sa malaking trahedya ang aksidente matapos tumagas ang diesel fuel mula sa mga bagon.
Kasunod ng banggaan, tumapon ang nasa isang libong galon ng diesel sa katabing sapa.
"Three locomotives and 10 railroad cars derailed and slammed into each other causing a disastrous mess! Hamilton County Hazmat team, Chattanooga Fire Department and Tri-Community VFD used absorbent booms and pads to assist with the large diesel spill for the three locomotives," sabi ni Hamilton County Office of Emergency Management and Homeland Security.
Siniguro naman ng mga imbestigador na wala nang iba pang hazardous materials na naiwan mula sa aksidente.
Pansamantalang isinara ang riles at mga kalsadang malapit sa lugar.
Binuksan din ito kinabukasan pagkatanggal ng naaksidenteng tren at iba pang debris sa riles. — Jamil Santos/GMA Integrated News