Sa halip na luminaw, hindi maimulat at walang tigil sa pagluha ang mata ng isang vlogger matapos siyang magsuot ng marumi umanong contact lens at gamitin niya ito nang matagal habang nagbi-video.
Sa kwentong Dapat Alam Mo! ni Patricia Tumulak, sinabing sadyang malabo na ang mga mata ng full-time content creator na si Julianne Uy Soriano kaya gumagamit siya ng contact lens. Hindi naman siya nakalilimot na i-hydrate ang kaniyang mga mata.
Bago ang matinding pananakit, nasa vlogging siya noon kung saan binibidyohan siya at maraming ilaw.
"Noong time na 'yon mararamdaman mo parang nagda-dry na 'yung mata ko. Pero ako dinedma ko lang siya kasi siyempre forda performance, forda vlog eh," sabi ni Soriano.
Mula 3 p.m., inabot si Soriano ng 3 a.m. sa kaniyang pag-shoot. Pagkaalis sa kaniyang contact lens, napansin niyang makati na ang kaniyang kaliwang mata.
"Nakararamdam ako ng sharp pain, tapos sobrang pula na rin ng mata ko tapos hindi ko na talaga siya mabuksan, sobra nang luha," sabi ni Soriano.
Nagpasuri si Soriano sa doktor kinabukasan.
"Nakitaan ako ng, nag-360 'yung abrasion. Pinaka-damage po ng mata ko is 'yung buong center, 'yung cornea. Maaari daw na 'yung contact lens ko ay sobrang dumi," anang vlogger.
Kung hindi naagapan, maaring mabulag si Soriano. Natutunan niya ring walong oras lamang ang dapat na pagsusuot ng contact lens.
Tinakpan ang kaniyang mata at binigyan ng antibiotics.
Alamin sa video ang payo ng isang opthalmologist para sa tamang paggamit ng contact lens. — VBL, GMA Integrated News