Aminado ang dating three-division champion na si John Riel Casimero na nanggigil siya at nais patalugin ang kalabang si Ryo Akaho ng Japan, na nauwi sa "no contest" ang resulta.
"Gusto kong aakyat yung ranking ko para naman makalaban tayo ng championship. Kaya gusto ko talaga ng magandang ipapakita ko sa laban. Gusto ko aggresive at saka knockout talaga," paliwanag ni Casimero sa ulat ni Chino Trinidad sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.
Nangyari ang laban kina Casimero at Akaho sa South Korea noong Sabado.
Pero nauwi ito sa "no contest" matapos na itigil ng referee ang laban sa second round nang matamaan ng Pinoy boxer sa batok ang Japanese fighter.
Tumanggi na noon si Akaho na ipagpatuloy pa ang laban kaya idineklara ng referee at Korean Boxing Commission (KBC) na "no contest" at hindi technical knockout pabor kay Casimero ang resulta.
Paniwala ni Casimero, sadyang hindi na lumaban si Akaho dahil sa takot.
"Kasi parang ano na talaga, natakot na rin. Baka naman madisgrasya pa siya kung tatayo pa siya," anang Pinoy boxer. "Alam ko naman yung ano niya...kasi nararamdaman ko na 'yon eh, kahit 10 seconds matamaan ko siya nang magandang suntok, na malinis, tulog talaga siya nun. Kasi groggy na siya eh."
Ayon kay Stephen Lunes, adviser ni Casimero, nagpadala umano ng sulat ang Games and Amusement Board (GAB) sa KBC para iprotesta ang deklarasyon na "no contest" ang laban nina Casimero at Akaho.
Sa sulat na ipinadala umano ng GAB sa KBC, hiniling nila na suriin ang hatol ng referee dahil naniniwala sila na dapat TKO ang desisyon pabor sa Pinoy boxer.
Sa kabila ng nangyari, sinabi ni Treasure Boxing Promotion na tuloy ang suporta nila sa susunod na laban ni Casimero.
Sa hiwalay na panayam naman, sinabi ng veteran boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino, na dapat alisin muna sa isip ni Casimero na makalaban ang unified bantamweight champion at Japanese fighter na si Naoya Inoue.
Mas dapat umanong tutukan ni Pinoy boxer na buhayin muli ang career niya matapos matigil sa laban ng isang taon, bago nakaharap si Akaho, na nauwi pa sa "no contest."
“I think it is unlikely to happen that Inoue is next, I do not think so. Casimero is back to square one in my opinion,” ani Tolentino sa panayam ng Sparring Sessions.
“He (Casimero) is yet to answer the questions that hound his career. He has to stay focused and get back in the ring. He should take Inoue out of his mind and instead focus on bringing back the old Casimero then we can talk about Inoue after that,” dagdag ng analyst.
Nakatakdang makalaban ni Inoue sa Japan sa December 13, ang Briton na WBO world bantamweight champion na si Paul Butler.
Dating hawak ni Casimero ang WBO belt pero tinanggal sa kaniya nang dalawang ulit na hindi natuloy ang laban niya kay Butler.
“I do believe Inoue does not have Casimero in his mind,” sabi ni Tolentino.—FRJ, GMA Integrated News