Nasagip ang limang babaeng Vietnamese mula umano sa isang dayuhang grupong sangkot sa sex trafficking sa Pilipinas.
Sa eksklusibong ulat ni John Consulta sa “24 Oras” nitong Martes, naaresto ng mga tauhan ng Southern Police District ang Chinese national suspek na kinilalang si Huang Diyong.
Ayon sa SPD, ang suspek ay bahagi umano ng isang dayuhang sex trafficking group na ang kliyente ay mga tauhan ng POGO companies.
Tinuro si Huang ng isa sa mga limang Vietnamese na nasagip ng pulisya mula sa grupo, dagdag pa ng ulat.
“Inilalako nila ito through online. So sex trafficking ang bumabagsak na kaso nila dito,” saad ni SPD district director Police Brigadier General Kirby John Kraft.
Sumbong ng dayuhang biktima sa SPD, kinumbinsi raw siyang magtrabaho dito sa Pilipinas para umano sa clerical job sa isang kumpanya na mataas ang sweldo.
Pero pagdating sa bansa, pwersahan umano silang pinagtrabaho bilang sex workers sa halagang P50,000 – P100,000 kada customer.
“They just started to force her to be the prostitute and punch her if she would not finish the quota,” the victim said.
Bukod sa quota na lima hanggang anim na kliyente kada araw, may dagdag pa raw na pasakit sa mga babae na hawak ng dayuhang sindikato.
Ayon sa biktima, halos araw-araw siyang inaabuso ng inarestong suspek.
“She had tried to escape and tried to run away but the problem is because of the monitoring and the security is strict. So, she still cannot rain away,” dagdaga pa niya.
Mariing naman itinanggi ng suspek ang paratang sa kanya.
Samantala, inaalam na ng mga awtoridad ang iba pang kasabwat ng grupo na nasa Metro Manila rin umano.
“mayroon na po akong directives sa lahat ng mga district director dito po sa NCRPO, sa utos na rin ng ating SILG at Chief PNP na bigyang emphasis ang sex trafficking syndicate sa bansa,” pahayag ni NCRPO chief Police Brigadier General Jonnel Estomo. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News