Isang dating overseas Filipino worker ang kumikita ngayon ng P28,000 kada buwan mula sa kanyang sideline na pagbebenta ng bangus Spanish sardines. Ang kanyang naging puhunan, P1,000 lang daw?
Paano niya kaya ito nagawa? Alamin.
Sa programang “Pera Paraan,” isinilaysay ni Jomar Pantaleon na nakakagawa siya ng 10 tubs ng bangus Spanish sardines mula sa tatlong kilong bangus.
Aniya pa, mamumuhan lang siya ng P800 at maibebenta niya ang mga ito sa halagang P1,500.
“’Yung ginagawa ko po [tuwing] Sabado at Linggo lang po pero kumikita na po ako ng maganda. Mga P5,000 – P7,000 kada linggo [ang kita],” saad niya.
“Bale po nagluluto po ako ng bangus 35 kilos – 50 kilos. Lumalabas siya ng 150 tubs a week. Tapos ‘yun ‘yung lulutuin ko ng Saturday at Sunday para sa whole week na siya,” dagdag pa niya.
Ang pagbebenta ng bangus Spanish sardines, raket lang daw talaga ni Jomar.
Kapag Lunes hanggang Biyernes kasi nakatutok na siya sa kanilang water refilling station.
Pero hindi raw palaging malakas ang kita ng tubigan.
Noong pandemya, lalong humina raw ang kita nito dahil dumami ang kanilang kakompetensiya kaya kinailangan ni Jomar ng raket na magtutustos sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
“Du’n na ako nag-isip na ano kaya ang pwedeng idagdag na business para kumita pa ako kasi tatlo na ang anak ko eh. Lahat nag-gagatas, lahat nag-diaper. Kaya kailangan kong mag-isip ng kikitain pa,” ani Jomar.
“Du’n po kasi sa ibang bansa kailangan namin mag-isip ng matagal na pagkain na lulutuin na hindi ka na magluluto kinabukasan. Nag-search po ako sa youtube, nakita ko po ang Spanish sardines na ‘yan,” aniya pa.
Kwento ni Jomar, dati siyang OFW sa Saudi Arabia pero nang magkaroon ng pamilya naisipan na niyang manatili na lang sa Pilipinas.
“Almost eight years din ako sa Saudi Arabia. Then nagpahinga ako ng isang taon kasi nagkaanak ako. Bumalik ako ng Qatar, du’n ko na-realize na mahirap pala talaga mag-abroad kapag may anak ka na,” sambit niya.
“Napag-isip-isip ko na parang hindi ko na rin kaya kapag nasa ibang bansa na ako, du’n na ako nag-isip kung ano ‘yung business na pwede kong gawin dito sa Pinas na hindi magugutom ang pamilya ko,” dagdag paniya.
Sa ngayon, mayroon ng mga reseller si Jomar sa kanyang Spanish sardines business at maayos na rin ang kita ng negosyong nilang tubigan.
Dahil sa kanyang mga business, hindi na raw pupunta si Jomar sa ibang bansa para masubaybayan ang paglaki ng kanyang mga anak.
“Nasa sayo talaga ang desisyon ng buhay mo, wala sa ibang tao. Nasa sayo kung gusto mong magbago, nasa sayo kung ayaw mong magbago kaya walang ibang sisihin kundi sarili mo lang din,” giit niya.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA Integrated News