Nadakip ang dalawang holdaper umano matapos silang matunton sa tulong ng GPS ng mga cellphone na kanilang ninakaw umano mula sa isang convenience store sa Makati City.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, sinabing Lunes ng madaling araw nang mang-holdup ng convenience store sina alyas "Jake" at alyas "PJ."
Ayon sa Makati Police, palabas na ang mga biktima sa tindahan nang biglang pumasok ang mga suspek at kinuha sa kanila ang tatlong cellphone.
Nakita ng security guard ang panghoholdap kaya agad siyang tumawag ng pulisya.
Naka-on din ang GPS ng mga cellphone ng biktima kaya agad natunton ang kinaroroonan ng mga suspek.
Tatakas na sana ang isa sa kanila, pero natunton dahil pa rin sa GPS.
"Nadamay lang po ako. Hindi ko po alam na gano'n ang gagawin. Ang sabi niya samahan ko lang daw po siya," sabi ni "PJ."
"May problema po kasi ako noong araw na iyon kaya nagawa ko po iyon. Kahit siya hindi ko po sinabi sa kaniya kung ano ang gagawin ko," sabi ni "Jake."
Nakumpiska din sa mga suspek ang isang .38 kalibre na baril, at ang motor na ginamit nila sa pagtakas.
Nabawi rin ang mga cellphone ng mga biktima.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong robbery at kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News