Nahuli-cam ng GMA Integrated News team ang kaguluhan sa kalye sa EDSA-Balintawak sa Quezon City na isang lalaki ang duguan nakahandusay matapos gulpihin. Ang lalaking duguan, suspek umano sa kidnapping at mga biktima niya na nakakawala ang gumulpi sa kaniya.
Sa ekslusibong ulat ni Joseph Morong sa GMA News “24 Oras” ngayong Lunes, makikita sa video na duguan na nakahandusay sa kalye at may pagkakataon pang pinukpok siya ng baril at sinipa.
May nadinig din putok na sinasabing nagkaroon ng agawa sa baril.
Pero lumalabas na hindi simpleng away ang nangyari dahil suspek umano sa kidnapping ang binugbog na lalaki. Ang mga gumulpi sa kaniya, grupo na magbabayad sa lupa na iniaalok daw ng lalaking ginulpi na isasangla.
“Iyan po ‘yung nagsako sa akin at nagtali,” pahayag ng isang babaeng biktima na nanginginig pa sa takot.
Ang isa sa umano'y dinukot, makikita pa sa leeg ang ipinampirang sa kaniyang mata at ipinambusal sa bibig.
Ayon sa biktima, nakipagkita raw sila sa lalaki at mga kasamahan nito sa Silang, Cavite para tingnan ang lupa isasangla umano ng mga ito.
Pero pagdating nila sa Cavite, “Tinutukan kami ng baril. Nu’ng una muna pinaluhod kami. Pinapayuko kami tapos tinali ako, ‘yan ‘yung nagtali sa akin.”
Kinuha rin daw ang dala nilang pera pati ang ATM.
Gamit ang mga sasakyan ng mga biktima, pinaikot-ikot daw sila ng mga lalaki mula Cavite ng halos sampung oras, hanggang sa makarating sa Balintawak.
Habang nasa loob ng sasakyan, nakalakas sa pagkakatali ang ilan sa mga biktima at doon na sila nanlalaban.
Nahuli ang isa sa grupo umano ng kidnapper nakatakas ang mga kasamahan nito.
“Akala namin, papatayin kami. Kasi sumenyas na sila na pagdating sa hideout nila… bandang Bulacan daw,” sabi ng isang biktima.
"Nagkaroon kami ng pagkakataon na makawala sa pagkakatali nila. Tapos ‘yun nagtulungan kami sa loob at nakatakas ‘yung ibang kasama,” patuloy niya.
Dinala sa ospital ang lalaking sinabing kabilang sa mga dumukot sa grupo. At patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News