Arestado ang isang lalaki dahil sa panghoholdap umano sa isang call center agent sa Quezon City. Nadakip ang suspek matapos na mahablot ng biktima ang bag nito at nakita sa loob ang subpoena sa dati nitong kaso at may nakalagay na address.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabi ng awtoridad na naglalakad ang biktima sa Barangay Kaunlaran nang lapitan ito ng suspek na si Teody Cayubit, na anim na beses nang naaresto noon.
Tinutukan umano ni Cayubit ng patalim ang call center agent at nagdeklara ng holdap. Pero pumalag ang biktima at nahablot nito ang bag ng suspek bago tuluyang makatakas.
Natangay naman ng suspek ang cellphone ng biktima na mahigit P20,000 umano ang halaga.
Nang suriin ng mga pulis ang nahablot na bag mula sa suspek, dito na nakita ang subpoena sa dati nitong kaso.
Pinuntahan ng awtoridad ang nakasaad na address sa subpoena at nakita roon ang suspek na positibong kinilala ng biktima na siyang nangholdap sa kaniya.
Nakita ang patalim na ginamit sa krimen pero wala na ang cellphone ng biktima.
Napag-alaman din ng mga awtoridad na anim na beses nang naaresto ang suspek para sa mga kasong pagnanakaw at ilegal na droga.
Gayunman, itinanggi ng suspek na siya ang nangholdap sa call center agent.
Paliwanag niya, ang kaibigan niyang siyang si Alyas Tampalasan, ang gumawa ng krimen.
Hiniram din daw ng kaibigan niya ang kaniyang subpoena kaya nasa loob ito ng bag.
"Bakit ako ang itinuturo? Ang sabi ko hindi lahat ng nakikita ay totoo. Minsan tayo nag-aakala kung sino eh, minsan, 'Ay! akala ko sino ka.' Eh kasingtangkad ko si Tampalasan. Kaya nga Diyos lang ang nakakaalam nun sir," paliwanag niya.
Sinampahan naman ng pulisya ng reklamong robbery holdup si Cayubit.--FRJ, GMA Integrated News