Sugatan ang isang lalaking may sumpak matapos siyang makipagputukan sa pulisya kahit hindi naman siya ang target ng anti-gambling operation sa Quezon City. Ang suspek, may kaso palang attempted homicide at madadagdagan pa ng reklamo.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa “24 Oras Weekend” nitong Sabado, mapapanood sa CCTV ang suspek na kinilalang si Ramil Villegas, alyas Ramboy, na may hawak na sumpak o improvised shotgun sa isang eskinita sa Barangay Payatas A nitong Biyernes ng gabi.

Ilang saglit pa, napaatras ang suspek at bumagsak. Nagawa pa niyang makatayo at makatakbo, saka siya hinabol ng mga tauhan ng Quezon City Police District Station 13.

Tunay na pakay talaga ng QCPD Station 13 ang anti-illegal gambling operation o kontra sugal, pero lumabas ang suspek sa isang madilim na bahagi ng lugar na nasa aktong may hawak na sumpak at pinaputukan ang mga operatiba.

Dahil dito, dumepensa ang mga awtoridad na nagresulta sa palitan ng putok.

Nabaril sa tagiliran si Villegas, ayon sa pulisya, pero nakatakas pa rin at nakahingi ng saklolo sa mga tao matapos ang engkwentro.

Ayon sa salaysay ng isang tricycle driver, hindi niya kilala ang suspek pero naawa siya rito kaya isinakay niya ito kasama ang dalawa pang lalaking nagmalasakit din kay Villegas.
 
Isinugod nila ang suspek sa ospital at doon na rin umalis ang tricycle driver.

Nang kumpirmahin ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng suspek sa pagamutan, natuklasan nilang may warrant of arrest si Villegas sa kasong attempted homicide.

"Siguro iniisip nga niya siya 'yung target sa area kaya ganu'n ang kaniyang naging actuation nu'ng makakita ng mga pulis," sabi ni Police Lieutenant Colonel Roldante Sarmiento, station commander ng QCPD Station 13.

Nakuha mula kay Villegas ang sumpak, mga bala, jacket at cellphone.

Ayon sa pulisya, inilipat na sa Quezon City General Hospital mula sa Rosario Maclang Bautista General Hospital ang suspek at doon inoperahan.

Nagpapagaling pa ang suspek, na sinusubukan pa ng GMA News na makunan ng pahayag.

Nahaharap ang suspek sa mga dagdag na reklamong direct assault, illegal possession of firearm at attempted murder. — VBL, GMA Integrated News