Nasawi ang isang senior citizen at ang isang asong yakap-yakap niya sa sunog na sumiklab sa Tondo, Maynila nitong Sabado ng madaling araw.
Ito ang kinumpirma ni Barangay 128 Chairman Bobby Hernane, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB.
Ang biktima ay nakilalang si Juanita Bitco, 79-anyos at hindi residente ng lugar. Bumisita lang siya sa mga kaanak at nakatakda sanang umuwi sa kanila sa katapusan ng Nobyembre.
Sugatan naman ang dalawang anak ng biktima na sina Josephine at Erlinda, na parehong nagtamo ng mga burns.
Itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang unang alarma nitong 2:54 a.m.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago ito naging under control noong 3:52 a.m. Naideklara ang fire out nitong 4:05 ng umaga.
Aabot sa 30 na mga pamilya o mahigit 80 individuals ang naapektuhan ng sunog.
Pansamantala muna silang tumuloy sa covered court ng barangay.
Ayon sa barangay, nagsimula ang sunog sa pumutok na charger ng cellphone.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng BFP sa insidente. —KG, GMA Integrated News