Nadakip ang isang babae na nagmamaneho ng isang pick-up truck na nagpaputok umano sa isang barangay sa Sampaloc, Maynila, at maging sa mga rumespondeng pulis. Ang kasama niya sa sasakyan na babae rin, nasawi.
Ayon sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing rumesponde ang ilang pulis matapos magpaputok ng baril ang suspek na si Christie Ross Castro sa Barangay 570 dakong 1:00 am habang lulan ng sasakyan.
Hindi pa malinaw kung sino o kaninong bahay ang target ng ginagawang pagpapautok ng baril ni Castro.
Makalipas ng isang oras matapos ang una niyang pagpapaputok, nahuli sa CCTV footage na bumalik sa lugar si Castro at muling nagpaputok ng baril.
Pero sa pagkakataong iyon, nasa lugar ang dalawang pulis na rumesponde sa unang insidente ng pagpapaputok, maging ang isang pulis na residente sa lugar na si Police Major Rommel Purisima.
Kaagad na tumakas si Castro nang magpaputok din ang mga pulis, at mabilis siyang hinabol ng mga awtoridad.
“Ang lakas ng loob ng babae na 'yun po. Dalawa po sila na babae,” paglalahad ng isang saksi sa pangyayari.
Naharang ang dalawang babae na sakay ng pick-up truck sa isang stoplight. Nahuli si Castro ngunit natamaan ng bala at binawian ng buhay ang kaniyang kasama.
“Nagkaroon sila ng exchange of fire pero according dito sa mga pulsi natin, wala silang intention doon kundi ang kanilang pinaputukan ay itong gulong. Pero pinaputukan sila nitong suspek,” ayon kay Manila Police District Major Philipp Ines.
Dagdag ni Ines, galing daw sa Baguio City ang suspek at kasulukayn nilang inaalam ang motibo nito sa ginawang pagpapaputok ng baril, at sino ang nakatama sa babaeng kasama sa sasakyan.
Pansamantalang inalis sa puwesto ang tatlong pulis habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
Sinubukan ng GMA News na hingin ang kanilang komento ngunit tumanggi ang mga ito. Hindi rin nagpaunlak ng panayam ang suspek na mahaharap sa reklamong illegal possession of firearms, alarm and scandal at direct assault. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News