Inanunsiyo ng “It’s Showtime” nitong Huwebes na deskalipikado at hindi na kasama sa mga kalahok sa kanilang segment at singing contest na "Tawag ng Tanghalan" si Marco Adobas.

Ayon sa pahayag ng noontime show, may nilabag si Marco sa pinirmahan nitong kasunduan nang sumali sa naturang kompetisyon.

“Sa hindi inaasahang pangyayari, si Marco Adobas ng #PangkatAlon ay may nilabag na alituntunin na nakasaad sa kaniyang pinirmahang kasunduan. Dahilan para sa siya ay ma-disqualify, at hindi na magpatuloy sa kumpetisyon,” ayon sa programa.

May mabigat din umanong alegasyon si Marco sa social media post nito kaugnay sa naturang programa at kompetisyon kaya pinag-aaralan din na sampahan siya ng reklamong legal.

Dahil sa pagkakaalis kay Adobas, papalit sa kaniya para sa Pangkat Alon si Arvery Lagoring.

Kasunod ng naturang pangyayari, nagbigay ng paalala ang host na si Vice Ganda para sa mga manonood.

“Kaya everyone, be very careful. Maaari tayong magbigay ng ating mga opinyon, pero siguraduhing ang ating mga opinyon ay hindi makakapagpahamak ng ibang tao o ng anumang grupo, at lalong hindi magpapahamak sa sarili ninyo,” sabi ni Vice.

Bagaman may karapatan ang lahat sa kanilang sariling pananaw, sinabi ni Vice na hindi naman ito dapat makaapak sa karapatan ng iba.

“Maaari ka magbigay ng opinyon. Iba ang opinyon, pero iba ang akusasyon. Hindi lamang sa mga kasali rito kundi sa lahat, ang lahat ay binibigyan namin ng paalala. Maging mapanuri sa mga inilalagay i-pinopost sa soical media dahil kung ano mang nilalagay niyo diyan ay maaaring ikapahamak ng iba, maaaring ikapahamak mo at pagsisihan mo," ayon sa TV host.—FRJ, GMA Integrated News