Nadakip na ng mga pulis ang suspek sa pamamaril sa isang lalaki na nahuli-cam sa Tondo, Maynila. Ang suspek, nahaharap sa iba pang kaso, kabilang ang pananaksak sa kaniyang kaibigan.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News Unang Balita nitong Lunes, ipinakita ang kuha ng CCTV camera sa Osmena St. sa Tondo noong Setyembre 20, na nahuli-cam ang pagbaril ng riding in tandem sa biktimang kinilala lamang bilang alyas "Aso."

Pero nakaligtas si Aso nang makatakbo papasok sa eskinita at hindi na sinundan ng mga salarin.

Nang magsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad, nalaman na may kasong thief si Aso kaya siya inaresto.

Natukoy din ang pagkakakilanlan ng bumaril sa kaniya na si Ronald Francisco, na pinaghahanap talaga ng pulisya dahil sa iba pang kaso tulad ng pagpatay.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jhun Ibay, PNP-MPD Police Station 1, isang buwan makaraan ang pamamaril kay Aso, isisilbi ng mga pulis ang arrest warrant laban kay Francisco para sa iba pang, pero nanlaban daw ito kaya nabaril sa binti ng mga awtoridad.

Kabilang umano sa mga naging biktima ng karahasan ni Francisco ang mismong kaibigan niya na si Raziel Duque, na bigla na lang umanong sinaksak.

Ayon kay Duque, nanghihingi lang umano noon sa kaniya si Francisco ng pang-birthday nang bigla na lang siyang undayan ng saksak.

Pero inaresto rin ng mga pulis si Duque dahil naman sa kasong illegal possession of firearms.

Pawang nasa kostudiya ng mga awtoridad ang tatlo. --FRJ, GMA News